Isang milyong trabaho sa UK, maaaring mawala ngayong taon dahil sa corona virus
Isang milyong trabaho ang maaaring mawala sa Britanya ngayong taon bunsod ng coronavirus, kung saan inaasahang mangyayari ito ngayong third quarter.
Ayon sa naging pagtaya ng Institute for Employment Studies (IES), ang mga trabahong mawawala ay maaaring umabot ng 450,000 sa pagitan ng Hulyo at Setyembre, at nagbabala na pwede pa itong umabot ng 690,000.
Hinulaan pa ng naturang research group, na maaari itong maragdagan ng 200,000 sa fourth quarter, o hanggang sa Disyembre.
Lumitaw sa pinakahuling opisyal na datos, na 240,000 trabaho na ang nawala sa Britanya sa unang anim na buwan ng 2020.
Kung pagbabatayan ang huling pagtaya ng IES, base sa opisyal na Insolvency Service data, ang kabuuang bilang ng mawawalang trabaho ay maaaring umabot ng higit isang milyon.
Ang walang takot na prediksyon ng IES ay ginawa sa gitna ng mga pangamba tungkol sa pagtatapos ng job retention plan ng gobyerno ng Britanya, na inilunsad noong Marso 23 nang ipatupad ang nationwide lockdown dahil sa covid-19.
Sa darating na Oktubre ay tatapusin na ng gobyerno ng United Kingdom ang tinatawag na “furlough scheme,” kung saan sinagot nito ang 80-porsyento ng sweldo ng nasa 10-milyong mangagawa sa pribadong sektor, sa harap na rin ng umiiral na pandemya.
Paulit-ulit namang nagbabala ang mga analyst, na posible itong magresulta sa paglobo ng unemployment sa magkabilang panig ng Britanya.
Agence France-Presse