Isang miyembro ng NPA, hinatulang guilty ng Taguig City RTC sa kasong rebelyon
Sinentensyahan ng korte sa Taguig City ng 10 taon hanggang 17 taon na pagkakakulong ang isang miyembro ng New People’s Army (NPA) para sa kasong rebelyon.
Sa desisyon ng Taguig City Regional Trial Court Branch 266, sinabi na napatunayan ng prosekusyon na si Dionisio Almonte alyas Inol/Noli/Leo ay sangkot sa iba’t ibang pag-atake sa mga miyembro ng Philippine Air Force (PAF), Philippine Army (PA) at Philippine National Police (PNP) sa Quezon province sa magkakahiwalay na petsa mula November 2005 hanggang 2006.
Ilan sa mga sinasabing karahasan na kinasangkutan ni Almonte at ng grupo nito ay ang pagbomba sa Globe cell site sa Brgy. Piis, Lucban, Quezon; at ang pagpatay at ang pag-ambush sa ilang pulis at sundalo sa mga magkakahiwalay na engkuwentro.
Ayon sa Korte, napakapagprisinta ang prosekusyon ng mga testigo na nagpatunay na may pag-aalsa at paghihimagsik ang grupo.
Tinukoy din ng mga testigo si Almonte na isa sa NPA member na kanilang engkuwentro.
Hindi binigyang bigat ng korte ang depensa ng akusado na ito at ang kaniyang asawa ay nagtatrabaho sa isang bakery sa Malabon noong Nobyembre 2005.
Moira Encina