Isang ngipin lang ang mawala, buong katawan ay puwedeng magambala
Gaano nga ba kahalaga na napapangalagaan natin ang ating mga ngipin? Alam ba ninyo na nasa 70 percent ng nawawala o nabubunot na ngipin ay dahil sa sakit sa gilagid o gum disease?
Pero, isa lang ang gum disease sa rason, maaaring dahil sa tooth decay o nabubulok ng mga ngipin at sa injury o trauma sa ngipin. So, big deal ba kung may isang ngipin na nawala? Big deal po.
Kapag nawala ang isang ngipin, simula na ito ng serious condition. Umpisa na ito ng problema. Iba na ang lakas kapag nabawasan ng ngipin. Apektado ang lahat sa pagkawala ng ngipin.
Dahil sa ngipin na nawala o nabunot, tutumba ang mga katabing ngipin. ‘Yung space ng nawalang ngipin, gagamitin ng mga katabing ngipin, kaya hindi na siya tuwid. Ang impact ay hindi na magkakatugma-tugma ang mga talim ng ngipin. Mali na ang magiging untog. Kaya pati ang ulo ay kakalog.
Ang ngipin ay puwedeng mawalan ng pakiramdam, mamaga o mamatay ang ngipin dahil sa sobrang trauma, dahil nga sa nauuntog. At kapag malakas ang untog, puwedeng magresulta ng hindi lang pananakit ng ulo, puwede ring magkaroon ng epekto sa tenga, panga, ilong, maraming puwedeng ma-damage.
Kahit nga ang pagngiti ay may epekto rin, ang ulo ay hindi na straight kaya laging nakatagilid. Nagbabago ang facial profile kapag nabunutan o nawalan ng ngipin. Ganito kahalaga ang isang piraso ng ngipin kapag nabunot na hindi napalitan. Dapat lagyan ng kapalit.
Paalala lang, mahalagang napapalitan agad ang nawalang ngipin, huwag ng patagalin, bata o matanda man dahil sa isang ngipin na nawala, kalusugan ng ngipin at katawan ay nagagambala.
Sa mga tanong at karagdagang impormasyon, nasa programang Kapitbahay tayo tuwing Lunes, ala una ng hapon sa Radyo Agila, DZEC 1062 kHz.