Isang opisyal ng CPP-NPA-NDF, inirekomenda ng DOJ na kasuhan ng rape
Pinasasampahan ng DOJ ng kasong rape sa hukuman ang isang kilalang opisyal ng CPP-NPA-NDF.
Ito ay matapos makitaan ng DOJ prosecutors ng sapat na batayan ang reklamong rape na inihain ng isang dating kadre ng CPP- NPA-NDF na si alyas “Lady Miranda,” “Ka Sheena,” “Ka Gabby,” o “Ka Gab.”
Ang complainant ay una nang humarap sa pagdinig ng Senado ukol sa red-tagging sa mga aktibista.
Sa resolusyon ng DOJ, inirekomenda na kasuhan ng siyam na counts ng rape si Joel Caliliw na isa sa mga lider ng komunistang grupo.
Ang tatlong counts ng rape laban kay Caliliw ay ihahain sa San Jose, Nueva Ecija RTC habang ang anim na counts ng rape ay isasampa sa Umingan, Pangasinan RTC.
Ang kaso ay nag-ugat sa mga sexual abuse na dinanas ng biktima noong March 2018 mula kay Caliliw sa Carrangalan, Nueva Ecija at Umingan, Pangasinan.
Sinabi ng DOJ na sinamantala ni Caliliw ang otoridad nito bilang Vice Platoon Commanding Officer para abusihin si alyas Lady Miranda.
Binigyang bigat ng DOJ ang positibong pagtukoy ng biktima kay Caliliw bilang gumahasa sa kanya.
Hindi pinaniwalaan ng DOJ ang mga alibis at denials ni Caliliw na pawang self-serving.
Moira Encina