Isang Pakistani national na hinihinalang trainer ng ISIS terrorist group naharang ng BI sa Clark International Airport
Pinigilang makapasok sa bansa ng Bureau of Immigration sa Clark International Airport sa Pampanga ang isang Pakistani na hinihinalang trainer ng teroristang grupong ISIS.
Kinilala ang dayuhan na si Naeem Hussain, 35 anyos, na dumating sa Clark sakay ng Emirates Airlines flight mula sa Dubai noong September 22.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, hinarang si Hussain dahil ito ay nasa alert list ng BI dahil ito ay hinihinalang terorista dahil sa umanoy pagiging trainer ng Daesh o ISIS.
Agad naman na pinasakay si Hussain sa unang flight pabalik ng Dubai.
Nabatid na si Hussain ay nasa watchlist ng military intelligence community.
Lumabas din rekord ng BI na si Hussain ay una nang hinarang ng kawanihan NAIA noong Mayo nang tangkain nitong pumasok sa bansa mula sa kanyang byahe sa Dubai.
Nang tanungin ang dayuhan sinabi nito na siya ay nagtatrabaho bilang isang digital designer sa nakalipas na 16 taon at siya ay bumiyahe sa Pilipinas para bisitahin ang kanyang Pilipinong kasintahan sa Olongapo City.
Ulat ni Moira Encina