Isang pamilya sa bayan ng Tumauini, Isabela namahagi ng tulong sa mga naapektuhan ng bagyong Ulysses.
Maraming naapektuhan dahil sa hagupit ng bagyong Ulysses sa bayan ng Tumauini, Isabela na inabot ng pagbaha dahil sa pagtaas ng ilog Cagayan kung saan karamihan sa mga lugar doon ay hindi na mapasok ng mga sasakyan.
Karamihan sa mga nasalanta ay sa gilid na lamang ng daan nagpalipas ng gabi.
Bunsod nito ay isang pamilya ang namahagi ng tulong sa mga nasalanta ng pagbaha sa Barangay Ugad at Barangay Balug.
Ang pamilya Jimenez na mula sa Barangay District 4 ay namahagai ng pagkain at mga damit upang maibsan ang kalam ng sikmura ng mga nasalanta at magkaroon ng pamalit na damit na basa na ng ulan.
Sinabi ni Mary Ann Jimenez na layunin ng kanilang pagtulong na iparamdam sa kanilang mga kababayan na hindi nag-iisa ang mga ito, at may mga tao pa ring handang tumulong sa kanial kahit sa maliit na bagay lamang.
Dagdag pa ni Mary Ann, dapat tumulong laluna na ang mga nakaaangat sa buhay, sa mga taong labis na naapektuhan ng hagupit ng bagyong Ulysses.
Ang ginawa ng pamilya Jimenez ay pagpapakita ng malasakit sa kanilang mga kababayan, at patunay na sa mga ganitong panahon nasa puso ng mga pinoy ang pagtutulungan.
Ulat ni Ryan Flores
Photos courtesy of Mark Anthony Manalo