Isang senior official itinalaga bilang MRT-3 OIC

Inanunsiyo ng Department of Transportation (DOTr), na isang senior official ng Department of Transportation ang itinalaga bilang officer-in-charge at general manager ng Metro Rail Transit-3 (MRT-3).

Ayon sa ahensiya, si Ofelia D. Astrera ay mananatili pa rin sa kasalukuyan niyang kapasidad bilang hepe ng Support Division (Technical Training)/Computer Section/AFCS Office ng MRT-3.

Samantala, si Oscar B. Bongon naman ang magiging OIC-Director for Operations ng MRT-3, habang patuloy na magsisilbing hepe ng Engineering Division.

Inihayag ng kagawaran, na sina Astrera at Bongon ay kapwa bahagi ng core Project Management Office (PMO) ng noo’y Department of Transportation and Communications MRT-3 (DOTC MRT-3) noong 1997, na namahala sa katupara ng EDSA MRT-3 project.

Sinabi ng DOTr, na hinawakan ni Astrera ang quality assurance at quality control (QA/QC) ng PMO, na nangangahulugan na siya ang tumitiyak na ang lahat ng construction work ng isang proyekto ay susunod sa napagkasunduang standards at specifications.

Siya ay naging hepe ng Support Division (Technical Training)/Computer Section at AFCS Office ng MRT-3 noong 2000.

Si Bongon naman ayon sa DOTr, ay nagsilbi sa power supply and overhead at sa catenary system (OCS) section ng PMO, bago namuno sa Maintenance Supervisory, Safety and Security division ng MRT-3 noong 2000s.

Nagsilbi rin siya bilang hepe ng Transport Division mula 2004 hanggang 2010; Station Division mula 2010 hanggang 2016; at Engineering Division mula 2017 hanggang sa kasalukuyan.

Ayon pa sa kagawaran, sina Bongon at Astrera ay magsisilbi sa kanilang officer-in-charge capacity hanggang July 31, o hanggang sa ma-appoint o ma-designate na ang kapalit, alinman ang mauna.


Please follow and like us: