Isang Taiwanese at limang Chinese na sangkot sa illegal mining at nagtatrabaho ng walang working permit sa bansa, arestado ng Bureau of Immigration
Arestado ng Bureau of Immigration ang anim na dayuhan na nagtatrabaho sa bansa ng walang working permit at sangkot sa illegal mining operations.
Tinukoy ng BI ang mga banyaga na si Cheng Yi Huang, isang Taiwanese, at sina Junbo Deng, Yunli Zhou, Jun Li, Wei Lin, at Weike Qu na pawang mga Chinese.
Natimbog ang anim sa opisina ng mga ito sa Xiaobo Scrap Trading Company sa Luasan St., Brgy. Loma de Gato, Marilao, Bulacan.
Dinala ang mga ito sa Warden Facility ng BI sa Taguig habang hindi pa tapos ang kanilang Deportation proceedings.
Maliban sa Taiwanese na si Cheng na mayroong valid resident visa, nabatid na ang limang Chinese ay overstaying at undocumented dahil sa walang maiprisintang pasaporte o iba pang travel documents.
Inireklamo ng ilang residente ng Marilao ang mga dayuhan dahil sa kanilang illegal mining activities sa lugar.
Nakatanggap din ang BI ng reklamo na sangkot din ang mga banyaga sa illegal export business.