Isasagawang special meeting ng PDP-Laban, magsisilbing sukatan ng suporta sa pagitan nina Sen. Pacquiao at PRRD
Naniniwala ang Malakanyang na magkakaalaman kung sino ang may suporta ng mga miyembro ng ruling party PDP Laban sa pagitan nina Pangulong Rodrigo Duterte at Senador Manny Pacquiao sa isasagawang special meeting ng partido sa July 17, Sabado na gagaganapin sa Clark Pampanga.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na mismong si Pangulong Duterte ang magpre-preside sa nasabing special meeting bilang chairman ng ruling party PDP Laban kasama si Energy Secretary Alfonso Cusi na tumatayong vice chairman ng partido.
Ayon kay Roque dumami lamang ang miyembro ng PDP Laban nang pumasok si Pangulong Duterte noong 2016 presidential elections.
Inihayag ni Roque magkakaroon ng re-organization ang ruling party PDP Laban matapos na magkaroon ng paksiyon dahil sa hindi pagkakaintindihan sa grupo nina Pangulong Duterte at Secretary Cusi sa grupo nina Senador Manny Pacquiao na tumatayong Presidente ng partido at Senador Koko Pimentel na isa sa mga founder ng lapian.
Niliwanag ni Roque pagkatapos ng special meeting sa Sabado ay malalaman kung sino ang may mayoryang suporta ng partido sa pagitan ng Pangulo at Senador Pacquiao.
Vic Somintac