Isinusulong na Chacha, patay na sa Senado – Padilla
Patay na sa Senado ang panukalang amyenda sa economic provisions ng 1987 Constitution.
Ito ang inamin ni Senador Robin Padilla, chairman ng Committee on Constitutional Amendments dahil apat na senador lamang ang sumuporta at lumagda sa committee report na inaprubahan ng kaniyang panel.
Bukod kay Padilla, lumagda sa committee report sina Senador Christopher ‘Bong’ Go, Francis Tolentino, at Ronald ‘Bato’ dela Rosa na pawang kapartido niya sa PDP-Laban na sumusuporta sa charter change.
“Ang malungkot, talagang yung apat na PDP-Laban ang sumasang-ayon dun sa committee report, yung ibang kasama natin na ginagalang natin, wala silang sagot o pirma. Yun ay inaasahan natin bago pa mag-recess, sinabi na nila na walang future ang panukala,” pahayag ni Padilla.
Sinabi ng mambabatas na kinumbinse naman niya ang mga kasamahan at ipinaliwanag na tanging pagpapalago sa ekonomiya ang pakay ng panukala ngunit hindi niya nakumbinse ang mga ito.
Dahil walang signatories, malabo na aniya itong umabot sa Plenaryo ng Senado para sa debate ng mga mambabatas.
“Mainit sa socmed, mainit din sa lounge, hindi natatapos ang diskusyon dun hanggang bumalik kami, kung baga pulu-pulutong na lang sila. Namatay na lang siya ng tuluyan nung nagkagulo sa malaking kapulungan, kung naghihingalo s’ya, ngayon namatay na,” dagdag pa ni Padilla.
Sabing mambabatas hindi na niya ipipilit ang economic provisons ng chacha dahil umuusad na ngayon sa Senado ang panukala para pagtibayin ang Maharlika Investment Fund.
Nangako kasi aniya ang mga proponents nito na sakaling mapagtibay ang Maharlika bill, papasok na rin ang mga foreign investors na target rin ng kaniyang panukalang amyenda sa economic provisions ng saligang batas.
“Kapagka walang pumasok na foreign investor, nagbobolahan lang tayo. Kailangan natin ng capital sa bansa natin hangga’t walang pumapasok mahihirapan tayo,” pahayag pa ni Padilla.
Sa ngayon, isinusulong naman ni Padilla ang panukalang amyenda sa political provisions ng Konstitusyon.
Nais ni Padilla na baguhin ang kasalukuyang anim na taong termino ng pangulo ng pilipinas na ibababa sa apat na taon pero dapat payagan ang re-election tulad ng sa Estados Unidos
Bukod sa Pangulo nais nyang palawigin ng apat na taon ang termino mga local government officials
“Puwede nating balikan yung panahon ni GMA, nag-assume siya ng 4 years, tumakbo siya, nagkaroon siya ng another 6 years. Sa panahon niya nagkaroon ng economic progress, pinakamataas sa panahon niya kasi may continuity,” sinabi ni Padilla.
“Lahat ng datos magpapakita na mahalaga ang re-election,” diin pa ng mambabatas.
Meanne Corvera