Israel at Hamas “ceasefire”, kaisa sa panawagan ang isang Senador
Nakikiisa si Senador Robin Padilla sa panalangin at malawakang panawagan ng buong daigdig ng tigil-putukan sa pagitan ng Israel at militanteng grupong Hamas.
Ayon kay Padilla nakakabahala ang patuloy na bakbakan lalo na ang epekto nito sa mga inosente at walang kalaban-labang naging biktima sa giyera.
Tinukoy ng Senador ang maraming kabataan na biktima ng karahasan.
Nakakadurog aniya ng puso at isang napakalaking kalabisan na maging ang mga ospital at maging mga refugee center ay nadamay sa alitan.
Nakapanlulumo aniya na buhay ang kapalit ng bakbakan, katunayan ang datos ng Al Jazeera channel, na mahigit 14,000 na ang mga nasawi sa giyera kung saan tinatayang halos 6,000 dito ay mga bata.
Nangangamba rin ito sa magiging epekto nito sa mental health ng mga kabataan.
Meanne Corvera