Israel at Hamas, nagkasundong magkaroon ng zoned-three day pause upang bigyang daan ang polio vaccination

The mother of Palestinian boy Abdul Rahman Abu Al-Jidyan, who is the first person to contract polio in Gaza in 25 years. Photo: Reuters

Nagkasundo ang Israeli military at Palestinian militant group na Hamas sa tatlong magkakahiwalay, at naka-zone na tatlong araw na paghinto sa labanan sa Gaza Strip, upang bigyang-daan ang pagbabakuna ng humigit-kumulang anim na raan at apatnapung libong mga bata laban sa polio.

Sinabi ni Rik Peeperkorn, senior official ng World Health Organization (WHO) sa Palestinian territories, na sa ilalim ng kasunduan ay magkakaroon ng tigil-putukan sa pagitan ng ala-6:00 ng umaga at alas-3:00 ng hapon (oras doon).

Aniya, ang kampanya ay magsisimula sa central Gaza kung saan magkakaroon ng tatlong araw na pagtigil sa labanan, pagkatapos ay southern Gaza naman na magkakaroon din ng tatlong araw na tigil-putukan, na susundan ng northern Gaza.

Ayon kay Peeperkorn, may kasunduan din na palalawigin ang humanitarian pause sa bawat zone sa ika-apat na araw, kung kakailanganin.

Kinumpirma ng WHO, na noong Aug. 23 ay isang sanggol ang naparalisa ng type 2 polio virus, ang unang kaso sa nasabing teritoryo sa loob ng nakalipas na dalawampu’t limang taon.

Nagpulong naman ang U.N. Security Council upang pag-usapan ang humanitarian situation sa Gaza.

Noong Miyerkoles ay sinabi ng COGAT, ang military humanitarian unit ng Israel, “The vaccination campaign would be conducted in coordination with the Israeli military as part of the routine humanitarian pauses that will allow the population to reach the medical centers where the vaccinations will be administered.”

Ayon sa tally ng Israel, ang panibagong sagupaan sa ilang dekada nang hidwaan sa pagitan ng Israel at Palestine ay na-trigger noong Oktubre 7, nang atakihin ng Palestinian Islamist group na Hamas ang Israel, na ikinamatay ng 1,200 at humigit-kumulang naman sa 250 ang nabihag.

Ang ganting pag-atake naman ng Israel sa enclave na pinamamahalaan ng Hamas ay ikinamatay ng mahigit sa 40,000 Palestinian, ayon sa local health ministry, habang na-displace din ang halos buong populasyon nito na 2.3 milyon, na nagdulot ng krisis sa kagutuman at humantong sa mga paratang ng genocide sa World Court, na itinatanggi ng Israel.

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *