Israel at Pilipinas lumagda sa mga kasunduan sa economic cooperation at innovation partnerships
Dalawang magkahiwalay na kasunduan ang nilagdaan ng Pilipinas at Israel para mapalakas ang ugnayan sa ekonomiya at technological innovation.
Isa rito ang memorandum of understanding sa pagitan ng Department of Trade and Industry at Ministry of Economy ng Israel para sa pagpapaigting ng trade, investments, at economic cooperation ng dalawang bansa.
Lumagda sa MOU na nagtatatag sa Joint Committee on Trade and Investments sina Minister of Economy and Industry Orna Barbivai at Trade Secretary Ramon Lopez.
Ayon sa Israel Embassy, isang “significant milestone” ito sa parehong bansa dahil lalo nitong mapapalakas ang bilateral economic ties at mapagbubuti pa ang kasalukuyang lagay ng kalakalan at investments habang tinutugunan ang trade barriers.
Bukod dito, pumirma rin ang DTI Secretary ng isa pang kasunduan na lilikha ng partnership opportunities sa tecnological innovation at research and development.
Lumagda sa agreement ang Chief Scientist at Chairman ng Israeli innovation authority na si Dr. Ami Appelbaum.
Sinabi ng Israel Embassy na sa pamamagitan din nito ay mabubuksan ang maraming tulay para sa partnerships ng dalawang bansa sa startup industry.
Moira Encina