Israel Embassy inilunsad ang unang Hebrew book na isinalin sa Filipino
Pinangunahan ng Israel Embassy ang paglulunsad ng kauna-unahang Hebrew book na isinalin sa Filipino.
Ito ay ang “Bigla, May Kumatok sa Pinto” na isinulat ng Israeli author na si Etgar Keret.
Kilala ang nasabing libro sa pamagat nito sa Ingles na “Suddenly, a Knock on the Door.”
Ang nagsalin nito sa Filipino ay si U.Z. Eliserio mula sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, Kolehiyo ng Arte at Literatura sa University of the Philippines.
Ang “Bigla, May Kumatok sa Pinto” ay koleksyon ng mga maiikling kwento o short stories ni Keret na nagpapakita ng katotohanan sa lipunan sa pananaw ng ordinaryong Israeli.
Si Keret ay itinuturing na pangunahing boses sa larangan ng panitikan at pelikula sa Israel.
Sa online book launch, inihayag ni Keret ang hangad niya na mas makaka-ugnay na ang mga Pinoy readers sa mga kwento sa kanyang libro ngayong isinalin na ito sa Filipino.
Hinimok din ng Israeli writer ang mga Pinoy caregivers sa Israel na basahin ang libro.
Ayon naman kay Israel Ambassador to the Philippines Rafael Harpaz, ang pagsasalin sa Filipino ng aklat ay isa pang milestone na nagpapakita sa matibay na ugnayan sa pagitan ng Israel at Pilipinas.
Ang nabanggit na libro aniya ay isa sa maraming areas of cooperation ng dalawang bansa sa panitikan, kultura, at sining.
Umaasa si Harpaz na maraming Pinoy lalo na ang mga kabataan ang magbabasa ng naturang libro dahil ito ay produkto ng mabuting pagkakaibigan.
Moira Encina