Israel, nag-utos nang lisanin ang hilagang Gaza sa loob ng 24 oras
Nag-utos na ang Israel para sa agarang relokasyon ng 1.1 milyong katao sa Gaza sa gitna ng malawakan nilang pambobomba bilang ganti sa pag-atake ng Hamas, kung saan nagbanta ang United Nations ng “devastating consequances.”
Sinabi ng UN na ang malawakang relokasyon ng buong populasyon sa hilagang Gaza patungo sa timog ng enclave ay “imposible” at agarang umapela para ipawalang-bisa ang utos.
Ayon sa UN, nalaman nila ang utos ilang sandali bago maghatinggabi ng Huwebes, anim na araw matapos mapatay ng Hamas gunmen ang mahigit sa 1,200 katao sa Israel at bihagin ang nasa 150 iba pa sa sorpresang atake sa Israel.
Gumanti ang Israel sa pamamagitan ng pagpapaulan ng air at artillery strikes sa Gaza sa loob ng anim na araw, na ikinasawi ng mahigit sa 1,400 katao at sanhi upang ma-displace ang higit sa 400,000 katao sa enclave.
Naghahanda na ito para sa isang posibleng ground invasion ng Palestinian territory matapos ang itinuring na 9/11 ng Israel.
Kinumpirma ng Israeli army nitong Biyernes na inatasan na nito ang mga residente ng Gaza City na lumikas na sa timog.
Una nang sinabi ng UN officials na nagtatrabaho sa Gaza, “We are informed by the Israeli military ‘that the entire population of Gaza north of Wadi Gaza should relocate to southern Gaza’ within the next 24 hours.”
Ayon kay Stephane Dujarric, tagapagsalita para sa UN secretary-general, na katumbas iyon ng humigit-kumulang 1.1 milyong katao, at idinagdag na ang utos ay aplikable rin sa lahat ng UN staff at sa mga nanganganlong sa UN facilities — kabilang ang mga paaralan, health centres at clinics.
Aniya, “The United Nations strongly appeals for any such order, if confirmed, to be rescinded avoiding what could transform what is already a tragedy into a calamitous situation.”
Nagalit naman ang Ambassador ng Israel sa UN na si Gilad Erdan, sa pagsasabing ang tugon nito sa babala sa mga residente ng Gaza ay “nakahihiya!”
Sinabi ni Erdan, “For many years, the UN has turned a blind eye to the arming of Hamas and its use of the civilian population and civilian infrastructure in the Gaza Strip as a hiding place for its weapons and murder.”
Mayroong 2.4 milyong tao na naninirahan sa Gaza na ngayon ay nagtitiis sa ikalimang digmaan sa loob ng 15 taon sa coastal enclave.
Hinarap naman ng Cairo ang mga panawagan na payagang ligtas na makadaan ang lilikas na mga sibilyan, at hinimok ni Egyptian President Abdel Fattah al-Sisi ang mga taga-Gaza na “manatiling matatag at manatili sa kanilang lupain.”
Pinutol ng Israel ang serbisyo ng tubig, pagkain at suplay ng kuryente sa Gaza na anila’y hindi matatapos hangga’t lahat ng bihag ay mapalaya.
Pahayag ni Israeli Energy Minister Israel Katz, “Humanitarian aid to Gaza? No electric switch will be turned on, no water tap will be opened and no fuel truck will enter until the Israeli abductees are returned home.”
Sa kabilang dako ay nangako ang Estados Unidos ng walang patid na suporta para sa Israel sa pakikidigma nito sa Hamas.
Nagpahayag naman ng pasasalamat si Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu sa suporta ng US, na kinabibilangan ng tulong militar, at sinabing ang Hamas, na naghahari ngayon sa Gaza Strip, ay dapat tratuhing gaya ng sa grupo ng Islamic State.
Samantala, binigyang-diin ni US Secretary of State Antony Blinken na hindi kinakatawan ng Hamas ang mamamayang Palestinian.
Si Blinken ay bumiyahe patungo sa Jordan, upang makipagkita kay King Abdullah II at Palestinian leader Mahmud Abbas ngayong Biyernes.
Magtutungo rin siya sa Saudi Arabia, Egypt, UAE at Qatar upang i-pressure ang Hamas at i-secure ang pagpapalaya sa mga bihag.
Nagbabala naman ang International Committee of the Red Cross Middle East chief na si Fabrizio Carboni na ang mga ospital sa Gaza ay “nanganganib na maging mga morge na.”
Sa una naman niyang public remarks simula nang atakihin ng Hamas ang Israel, ay nanawagan si Palestinian president Abbas para sa “agarang pagtigil ng agresyon laban sa mga mamamayang Palestino.”
Kaugnay ng kaguluhan ay naglunsad ang UN humanitarian agency ng isang “urgent appeal” para sa halos $300 million upang tugunan ang pinakakagyat na pangangailangan sa Gaza at sa okupadong West Bank.
Tumawag ang Israel ng 300,000 reservist at nagmamadaling nagpadala ng mga puwersa, tangke at heavy armor sa southern desert areas sa paligid ng Gaza, kung saan inilunsad ng Hamas fighters ang sorpresa nilang pag-atake noong Oktubre 7.
Ang digmaan ng Israel na sumiklab ngayon sa timog ay mas ginawa pang kumplikado ng isang banta mula sa hilaga, ang grupong Hezbollah na suportado ng Iran na nakabase sa Lebanon.
Ang Estados Unidos ay nagpadala ng mga bala sa Israel at nagtalaga ng isang aircraft carrier battle group sa silangang Mediterranean bilang pagpapakita ng suporta, habang binabalaan ang iba pang mga kaaway ng Israel na huwag nang makialam sa labanan.
Sa London, sinabi ng UK na magpapadala ito ng dalawang barko ng Royal Navy at surveillance aircraft sa silangang Mediterranean upang suportahan ang Israel, gayundin ang “tiyakin ang katatagan ng rehiyon at maiwasan ang karagdagang paglala ng labanan.”
Ang pangunahing kaaway ng Israel na Iran ay matagal nang nagbibigay ng suportang pananalapi at militar sa Hamas at pinuri pa ang ginawa nitong pag-atake, ngunit iginiit na hindi ito kasangkot.