Israel, opisyal nang ipinabatid sa UN na tinatapos na nito ang relasyon sa Palestinian relief agency

A damaged sign is pictured at the headquarters of UNRWA, following an Israeli raid, amid the Israel-Hamas conflict, in Gaza City, July 12, 2024. REUTERS/Dawoud Abu Alkas/File Photo

Opisyal nang ipinabatid ng Israel sa United Nations (UN), na kinakansela na nito ang kasunduan na nagre-regulate sa kanilang relasyon sa main U.N. relief organization for Palestinian refugees (UNRWA) na nagsimula noong 1967.

Noong isang buwan ay nagpasa ang Israeli parliament ng isang batas na nagbabawal sa UNRWA na mag-operate sa Israel, at pinatitigil na ang mga awtoridad ng Israel na makipagtulungan sa organisasyon, na nagkakaloob ng ayuda at education services sa milyun-milyong Palestinians sa occupied West Bank at Gaza.

Matagal nang naging kritikal ang Israel sa UNRWA, na itinayo pagkatapos ng digmaan noong 1948 na sumiklab sa panahon ng paglikha ng estado ng Israel, na inaakusahan ito ng pagkiling laban sa Israel at sinasabing pinagpapatuloy nito ang labanan sa pamamagitan ng pagpapanatili sa mga Palestinian sa isang permanenteng refugee status.

Mula nang magsimula ang digmaan sa Gaza noong Oktubre noong nakaraang taon, sinabi rin nito na ang organisasyon ay malalim na napasok ng Hamas sa Gaza, na inaakusahan ang ilan sa mga tauhan nito na nakibahagi sa pag-atake noong Oktubre 7 sa Israel.

Ang batas ay ikinaalarma ng United Nations at ilan sa Western allies ng Israel, na nangangamba na ito ay lalong magpapalala sa dati nang grabeng humanitarian situation sa Gaza, kung saan ang Israel ay isang taon nang nakikipaglaban sa mga militanteng Hamas. Ang pagbabawal ay hindi tumutukoy sa mga operasyon sa mga teritoryo ng Palestinian o sa ibang lugar.

Sinabi ni Israeli U.N. Ambassador Danny Danon, “Despite the overwhelming evidence we submitted to the U.N. highlighting how Hamas infiltrated UNRWA, the U.N. did nothing to address this reality.”

Hindi naman direktang ipinagbabawal ng batas ang mga operasyon ng UNRWA sa West Bank at Gaza, na parehong itinuturing ng international law na nasa labas ng estado ng Israel, ngunit nasa ilalim ng pananakop ng Israel.

Ngunit lubha itong makaaapekto sa kakayahan nitong kumilos sa nabanggit na mga lugar, at nagdulot ng alarma sa kalipunan ng aid groups at marami sa mga partner ng Israel.

Sinabi ng Israeli foreign ministry, na ang aktibidad ng iba pang mga internasyonal na organisasyon ay palalawakin at ang mga paghahanda ay gagawin upang wakasan ang koneksyon at mapalakas ang mga alternatibo sa UNRWA.

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *