Israeli flag carrier plane muling lumapag sa Pilipinas matapos ang pitong taon
Lumapag muli sa bansa sa unang pagkakataon matapos ang pitong taon ang Israeli flag carrier plane na El Al Israel Airlines Ltd.
Sinabi ni Israel Ambassador to the Philippines Rafael Harpaz na ang makasaysayang flight ay sumisimbolo sa magandang ugnayan ng Pilipinas at Israel.
Ayon sa Israel Embassy, lulan ng eroplano ang 250 estudyanteng Pinoy na mula sa ibat ibang agricultural universities at colleges sa bansa na nakatapos ng kanilang 11 buwang on-the-job training course sa Israel.
Ang mga estudyante ay kabilang sa 5,000 Pilipinong mag-aaral na lumahok sa Agro Studies program ng Israel.
Sa nasabing programa, binibigyang oportunidad ang mga estudyante na mag-aral sa mga specialized agricultural academic centers at magtrabaho sa mga modern farms sa Israel.
Isa pang batch ng flight mula sa Israel ang naka-iskedyul na dumating sa bansa sa buwang ito.
Unang lumapag sa bansa ang dalawang Israeli plane noong November 2013 na may dalang humanitarian aid para tulungan ang Pilipinas kasunod ng pananalanta ng bagyong Yolanda.
Ang nasabing relief operations ang isa sa pinakamalaki na isinagawa ng Israel.
Moira Encina