Isyu sa visa ban ng Kuwait, posibleng tumagal pa – DFA
Posibleng tumagal pa ng ilang buwan o isang taon bago maresolba ang isyu sa pagitan ng Kuwait at Pilipinas, ukol sa ipinataw na ban sa pagpasok ng mga bagong Filipino workers sa nasabing Gulf country.
Sa panayam ng NET25 TV/Radyo program na Ano sa Palagay Nyo? (ASPN), ay sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary for Migrant Workers Eduardo de Vega, na sa ngayon kasi ay nagmamatigas ang Ministry of Interior ng Kuwait sa posisyon nito.
Ilan sa inirereklamo ng Kuwait ay ang pagtataguyod ng shelter ng Philippine Embassy para sa runaway workers, gayundin ang sinasabing “inappropriate dealing with Kuwaiti citizen” o direktang pakikipag-ugnayan sa employers at foreign placement agencies para i-follow up ang kaso ng OFWs.
Gayunman magre-resume aniya ang negosasyon sa Hulyo at palalamigin muna ang sitwasyon.
Paliwanag ni Usec. de Vega, “We will resume negotiations hopefully in July, kasi June is summer months so wala muna. We’re always willing to sit down, siguro kailangan lang cooler heads, and you know cooling the situation. We’re confident we’re diplomats naman. Yung Foreign Ministry naman wants to sit with us, ang problema yung Ministry o Interior, ito yung agency na nagde-decide dito.”
“Understood naman na we did not intend a total ban, kailangang pag-usapan kung paano mabibigyan ng more protection ang ating kasambahay, however tanggapin natin baka tumagal ito, baka isang taon ito o baka sa katapusan ng taon, so we’ll have to adjust accordingly,” dagdag pa ng DFA official.
Naninindigan ang Pilipinas sa pagmamantine ng shelters para sa OFWs dahil sa itinatakda ito sa orihinal na Migrant Workers Act.
At ang direktang pakikipag-usap ng mga abogado ng Embahada, labor attaché at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) personnel sa mga employer ng runaway workers ay ginagawa rin ng PIlipinas sa iba pang bansa gaya ng Kingdom of Saudi Arabia at iba pang Middle East countries ngunit Kuwait lamang ang nagrereklamo ukol dito.
Hinala ni Usec. de Vega, posibleng nag-ugat ang hakbang ng Kuwait sa ipinatupad na deployment ban ng Pilipinas para sa Pinay household workers kasunod ng pagkamatay ng Pinay na si Julibee Naraga na sinunog ng anak ng kaniyang employer.
“That’s one complaint, that’s one complaint but I think alam natin ang punto nito parang nagmamatigas, parang sinasabi nila, alam nyo ayaw nyong magpadala ng katulong, kasambahay, pahihirapan namin kayo, bibigyan kami ng mga violations ninyo,” pahayag pa ni Usec. de Vega.
Tiniyak naman aniya ng Kuwaiti government na hindi apektado ng kautusan, ang nasa 275,000 Pinoy workers na nasa Kuwait.
Umuusad na rin daw ang kaso ng Pinay na sinunog, magkakaroon na ito ng 4th hearing sa Hunyo, habang iniimbestigahan na rin ang kaso ng mga Pinoy cyclist na biktima naman ng hit and run sa Kuwait.
Weng dela Fuente