IT provider ng LTO pumalag sa alegasyon ng delay sa kanilang sistema
Pumalag ang Information Technology provider ng Land Transportation Office na Dermalog sa puna na mabagal umanong sistema ng Land Transportation Management System.
Ang nasabing sistema ay binuo ng IT Company na Dermalog.
Una rito, pinuna ni LTO chief Teofilo Guadiz ang mabagal na sistema umano ng LTMS na nakakaapekto na sa transaksyon sa LTO.
Pero giit ni Dermalog Spokesperson Atty. Nikki De Vega, batay mismo sa ginawang mga pagsusuri ng LTO, lumalabas na mas mabilis ang kasalukuyang LTMS kumpara sa dating sistema ng Stradcom.
Mas bentahe rin aniya ito sa publiko dahil libre ito at iwas korapsyon pa dahil bawas ang human intervention rito.
Bilang tugon naman sa reklamo ni Guadiz sa mabagal umanong pagproseso sa aplikasyon sa driver’s license na inaabot ng isang linggo samantalang dati ay dalawang oras lamang, sinabi ni de Vega na hindi dapat sa kanila ito isisi.
May mga kulang na datos pa rin kasi mula sa dating service provider na hindi pa naitu-turn over sa kanila.
Ang resulta, may ilang tanggapan ang LTO na nakararanas ng delay sa ilang transaksyon.
Madelyn Villar- Moratillo