Italian Navy training ship na AMERIGO VESPUCCI, darating sa bansa
Inaasahang darating sa bansa sa Sabado, Setyembre 14, ngayong taon ang Italian Navy training ship na Amerigo Vespucci.
Lulan ng Amerigo Vespucci ang tinatayang 264 na mga opisyal at kadete.
Kaugnay nito, nagsagawa ng pre-arrival meeting ang Port Management Office ng NCR-South, para sa 5 araw na goodwill visit ng nasabing training ship sa bansa.
Courtesy: PPA FB page
Tinalakay sa pagpupulong ang mga magiging aktibidad ng naturang barko sa loob ng limang araw, kasama na ang posibilidad na buksan ito sa publiko.
Ang pulong ay dinaluhan ng mga kawani mula sa mga ahensya ng gobyerno kabilang ang Philippine Navy (PN), Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Quarantine (BOQ), gayundin ng Asian Terminals Inc. (ATI), ang terminal operator sa Manila South Harbor, Global Maritime Logistics, Inc., na siyang agent ng barko, Manila Bay Harbor Pilots’ Partnership, at iba pang service providers.
Courtesy: PPA FB page
Ang Amerigo Vespucci na inilunsad noong February 22, 1931 ay isang “full-rigged ship” ng Italian Navy na isinunod sa pangalan ng explorer na si Amerigo Vespucci.
Aldrin Puno