Itbayat, Batanes patuloy na nakakaranas ng malalakas na aftershocks…Pinsala sa lindol, posibleng abutin ng bilyong piso
Patuloy na nakakaranas ng malalakas na aftershocks ang lalawigan ng Batanes.
Sa panayan ng programang Serbisyo ng Agila, sinabi ni Governor Marilou Cayco na ito ang dahilan kung bakit natatakot pang magsibalikan sa kanilang mga tahanan ang kaniyang mga kababayan at nananatili pa sa town plaza.
Ito rin kasi aniya ang payo sa kanila ng mga opisyal ng Phivolcs na mas magiging ligtas kung hindi muna sila uuwi sa kanilang mga bahay.
Bagamat buhos ang mga tulong mula sa pamahalaan at iba’t-ibang mga ahensya maging ng mga private sector para nangangailangan pa rin aniya sila ng mas maraming tulong dahil halos lahat ng mga bahay, mga paaralan at iba pang mga gusali sa Itbayat ay napinsala.
Nauna nang nagbigay si Pangulong Duterte ng inisyal na tulong na 30 milyong piso para sa pagpapagawa ng ospital na napinsala ng lindol.
Inaantay pa rin nila ang assessment na ginagawa ng mga otoridad para matukoy ang kabuuang pinsala ng lindol at saka sila susulat sa Pangulo para sa karagdagang tulong.
Nauna nang idineklara ang State of Calamity sa bayan ng Itbayat.
Sa ngayon, nangangailan aniya sila ng mga tent na masisilungan ng mahigit 2,000 katao na pansamantalang tumutuloy sa open filed at town plaza, karagdagang mga vitamins para sa mga bata at mga matatanda, mga banig na plastic at emergency lights.
Ang mga nasugatan naman sa pagyanig ay aabot sa 63 katao pero ang ibang nagkaroon ng fracture ay dinala na dito sa maynila para lapatan ng lunas habang ang iba naman ay minor injuries lamang ang natamo.
Samantala nilinaw naman ng Gobernadora na bukas pa rin sa mga turista ang ilang bayan sa Batanes at ang bayan lamang ng Itbayat ang ipinagbabawal nilang puntahan.
“Ang mga tao ayaw talaga kahit lumapit sa kanilang bahay dahil sa sobrang takot. Tuluy-tuloy pa rin ang malalaks na aftershocks. Sa nakita ko, halos lahat ng gusali dito ay na-damage, mga kabahayan, mga schools at iba pa. Kahit partially damage ay hindi na pwedeng tirhan. Sa tantiya namin, aabot sa bilyong piso ang magiging halaga ng pinsala”.