Itinuturong nagpalala umano sa pagbaha sa CAMANAVA, inispeksiyon ni Sen. Revilla
Kasunod nang malawakang pagbaha sa National Capital Region (NCR), ay ininspeksiyon ni Senator Bong Revilla ang nasirang Navigational Floodway Control sa Tanza, Navotas na itinuturong dahilan nang paglala sa pagbaha sa CAMANAVA.
Habang nag-iinspeksiyon ay nagkataong may isang bangkang pangisda na hindi makadaan dahil sumasabit ito sa nasirang bahagi ng gate.
Sinabi ni Revilla na siya ring chairperson ng Public Works committee sa Senado, na magpapatawag siya ng isang senate hearing bukas, Martes, July 30 kaugnay ng nabanggit na insidente, upang maiwasang maulit ang katulad na pagkasira ng mga imprastraktura at upang maragdagan pa ang mga floodway control, hindi lang sa CAMANAVA kundi maging sa iba pang mga lugar sa bansa.
Ayon sa MMDA na siyang nangangasiwa sa nasabing flood gate control, inaasahang matatapos ang pagkukumpuni ng nasabing flood gate sa August 17, 2024
Kasunod ng inspeksiyon ay namahagi ang senador ng relief goods sa mga nasalanta ng nagdaang bagyong Carina, partikular ng mataas na pagbaha sa Hulong Dugat sport complex sa Malabon City.
Edison Domingo, Jr.