Jad Dera iniutos ng korte na ilipat sa Muntinlupa City Jail mula sa NBI detention
Inatasan ng hukuman sa Muntinlupa City ang NBI na ilipat sa Muntinlupa City jail ang NBI detainee na si Jose Adrian Dera o alyas Jad Dera.
Si Dera ay matatandaang inaresto at sinampahan ng reklamo sa DOJ makaraan na makalabas-masok sa NBI detention facility kahit walang court order at permiso mula sa mga otoridad.
Sa dalawang pahinang kautusan na inisyu ni Muntinlupa City RTC Branch 204 Presiding Judge Abraham Joseph Alcantara, ipinagutos sa hepe ng NBI Security Management Section na i-turnover si Dera sa Muntinlupa City Jail Male Dormitory sa Tunasan, Muntinlupa City para sa safety at security reasons.
Ang kautusan ng korte ay kasunod ng motion to transfer detainee na inihain ng NBI dahil sa mga hindi otorisadong paglabas sa piitan ni Dera na akusado sa mga kasong iligal na droga.
Bukod dito, nagpalabas din ang Office of the Court Administrator (OCA) ng Korte Suprema ng memorandum na naguutos sa Branch 204 na mag-isyu ng committment order para sa agarang transfer ni Dera sa BJMP facility.
Nakatanggap ang OCA ng sulat na humihingi ng tulong para atasan ang Muntinlupa court na ilipat ng kulungan si Dera bunsod na rin ng nalalapit na demolisyon ng NBI detention center.
Kasabay nito, pinayagan ng Muntinlupa RTC na dumalo si Dera sa pagdinig ng Senate Committee on Justice and Human Rights nitong Miyerkules na may kasamang security escorts.
Moira Encina