Jan. 17-22 idineklara ng New Era University na recovery break
Inanunsiyo ng New Era University (NEU), ang isang university-wide recovery break simula sa Lunes, Jan. 17 hanggang Sabado, Jan. 22 kaugnay ng nauna nang anunsiyo ng Commission on Higher Education (CHED), sa inisyatiba ng iba’t-ibang eskuwelahan na magkaroon ng academic break sa gitna ng paglobo ng COVID-19 cases.
Sa kanilang anunsiyo nitong Biyernes, Jan. 14, 2022 ay sinabi ng NEU na ang Jan. 17-22 “recovery break” ay ipatutupad sa lahat ng levels at sa lahat ng branches ng unibersidad.
Bukod sa main campus sa Quezon City, ang NEU ay may branches na rin sa Batangas, Pampanga, General Santos City at Rizal.
Noong Huwebes, sinabi ni CHED chairman Propero de Vera III na kabuuang 126 na mga unibersidad sa magkabilang panig ng bansa ang nagdeklara na ng academic break sa gitna ng kasalukuyang paglobo ng mga kaso ng COVID-19.
Ayon sa CHED, hindi bababa sa 123 pang mga paaralan ang magdedeklara na rin ng katulad na breaks bago matapos ang buwan.
Sinabi pa ni de Vera, na maraming mga unibersidad ang nagsagawa na ng adjustments at nagpatupad ng academic breaks nang maobserbahan nila ang biglang pagtaas sa COVID-19 cases, sa harap ng kumpirmadong local transmission ng Omicron variant sa bansa, bago pa man isailalim ng gobyerno ang maraming lugar sa Alert Level 3.
Pero sinabi rin ng CHED na hindi naman kailangang magdeklara ng nationwide academic break.
Ayon kay de Vera . . . “So iyong panawagan ng academic break at iyong panawagan na magdeclare ng nationwide academic break ang CHED, hindi na po kailangan yan dahil kayang-kaya na ng ating mga pamantasan na gawin iyan on their own.”
Aniya . . . “Karamihan sa mga paaralang ito ay nasa Metro manila o National Capital Region at Region 4-A.”