Japan at South Korea, kinokonsulta ng US tungkol sa N.Korea review
WASHINGTON, United Staes (AFP) – Kinokonsulta ng Estados Unidos ang South Korea at Japan, kaugnay ng ginagawang pagrepaso ni US President Joe Biden tungkol sa North Korea.
Ayon sa State Department, nangako si senior US diplomat Sung Kim at kaniyang counterparts ng “close cooperation” sa ginanap na videoconference at nagpahayag ng patuloy nilang commitment sa denuclearization at pagpapanatili ng kapayapaan at katatagan sa Korean peninsula.
Ipinahayag ng Biden administration, na nirerepaso nito kung paano “mag-move forward,” matapos na tatlong beses nakipagpulong si dating US President Donald Trump kay North Korean leader Kim Jong Un, subalit nabigong makabuo ng pangmatagalang kasunduan.
Argumento ng Trump administration, nagawa nitong tapusin ang isang diplomatic logjam at epektibong napigil ang nuclear at missile tests na ginagawa ng North Korea, gayunman ayon sa mga kritiko, umabante pa ang nuclear program ng NoKor.
Si Biden ay inaasahang gagawa ng isang “low-key” approach, at nangako rin ang kaniyang administrasyon na pagtutuunan ng pansin ang cybersecurity, kung saan tatlong North Korean intelligence officials ang inakusahan ng Justice Department ng massive hacks.
Si Trump ay may matibay na relasyon kapwa sa mga lider ng Japan at South Korea, ngunit ang relasyon sa pagitan ng dalawang nabanggit na bansa ay muling bumagsak sa panahon ng kaniyang panunungkulan, dahil sa hindi pagkakaunawaan kaugnay ng legacy ng Japanese colonial rule.
© Agence France-Presse