Japan billionaire, nag-aalok ng isang private ride papunta sa buwan
TOKYO, Japan (AFP) —Isang Japanese billionaire ang nag-aalok sa walong tao mula sa iba’t-ibang panig ng mundo, upang makasama niya sa isang private lunar expedition.
Noong 2018 ay nabalita na ang online fashion tycoon na si Yusaku Maezawa, ang kauna-unahang nagpa-book para sumakay sa lunar spaceship na dini-develop ng SpaceX.
Noong una ay anim hanggang walong artist ang plano ni Maezawa na makasama niya sa biyahe, matapos magbayad nang hindi na ibinulgar na halaga para sa lunar trip na inaasahang ilulunsad sa 2023.
Subalit sa isang video na ipinost sa kaniyang Twitter account, ay ibinunyag nito ang pagbabago sa kaniyang plano.
Sa video ay makikita si Maezawa na nag-iimbita kung saan sinabi nito . . . “I’m inviting you to join me on this mission. Eight of you from all around the world. I have bought all the seats, so it will be a private ride.”
Anya, nagbago ang kaniyang isip na artists lamang ang imbitahan at sinabi niya na . . . “every single person who is doing something creative could be called an artist.”
Ang pre-registration ng mga gustong magkaroon ng pagkakataong maging space travelers ay sa March 14, habang ang initial screening ay gaganapin naman sa March 21.
Nakasaad sa website ni Maezawa, na wala pang deadline para sa mga susunod na hakbang, pero magkakaroon ng “assignment” at online interview — pero ang final interviews at medical checkups ay kasalukuyang naka-schedule sa May 2021.
Kung itutuloy ng Space X, si Maezawa at ang kaniyang mga makakasama ang magiging kauna-unahang lunar voyagers, pagkatapos ng huling US Apollo mission noong 1972.
Nitong nakalipas na buwan, isang prototype ng Starship ng Space X ang nag-crash na lumikha ng isang fireball habang tinatangkang magsagawa ng “upright landing” matapos ang isang test flight.
Ang naturang aksidente ay ikalawa na matapos ang katulad ding pangyayari sa huling prototype ng Starship, sa huling bahagi ng Disyembre ng nakalipas na taon.
Umaasa ang kompanya, na ang reusable, 394-foot (120-metre) rocket system ay makapagdadala na rin ng crew at cargo sa buwan, sa Mars at sa iba pang planeta.
© Agence France-Presse