Japan magpapadala ng mga eksperto para tumulong sa oil response operation sa Mindoro
Magpapadala na rin ng oil control experts ang Japan Coast Guard para tumulong sa oil spill response operations sa Oriental Mindoro.
Ayon sa PCG, mismong si Japanese Ambassador to the Philippines Kazuhiko Koshikawa, ang nagsabi na magpapadala ang Japan ng disaster relief expert team para tumulong sa pag-aalis ng tumagas na langis sa karagatan ng Oriental Mindoro.
Bukod sa manpower ay may dala rin umanong assets ang mga ito para magamit sa pagtanggal ng langis.
Kahapon, matapos ang ilang araw na pagtatangka ay nailagay na ang oil spill boom sa lugar kung saan hinihinalang lumubog ang MT Princess Empress.
Ayon sa PCG nahirapan sila sa paglagay ng oil spill boom dahil sa malakas na alon.
Maliban rito, tuloy tuloy din ang paglalagay ng PCG ng oil dispersant ng PCG sa karagatan ng Naujan.
Maliban sa Naujan, isa rin sa pinaka apektado ng oil spill ang bayan ng Pola at apektado na rin ang baybayin ng Pinamalayan, at Bongabong sa Oriental Mindoro at ilang barangay sa bayan ng Caluya sa Antique.
Madelyn Villar – Moratillo