Japan magpapataw ng sanction sa chip exports sa Russia dahil sa pananakop sa Ukraine
Inihayag ni Prime Minister Fumio Kishida, na papatawan ng sanctions ng Japan ang Russia na ang target ay ang semiconductor exports at financial institutions.
Ang mga semiconductor ay mahahalagang parte para sa mga produkto mula sa mga kotse hanggang sa mga gaming console, at kulang ang supply nito sa buong mundo.
Ito’y matapos magkasundo ang G7 leaders na parusahan ang ekonomiya ng Moscow dahil sa pananakop sa Ukraine.
Ang anunsiyo ay ginawa nang simulan na ni Russian President Vladimir Putin, ang isang full-scale ground invasion at air assault nitong Huwebes, na ang labanan ay umabot hanggang sa labas ng Kyiv.
Sinabi ni Kishida, na plano ng Japan na i-freeze ang assets ng Russia at suspendihin ang pag-iisyu ng visa para sa Russian individuals at organizations, at i-freeze rin ang assets ng Russian financial institutions.
Aniya . . . “Thirdly, we will sanction exports to Russian military-related organisations, and exports to Russia of general-purpose goods such as semiconductors and items on a restricted list based on international agreements.”
Hindi naman ibinigay ni Kishida ang detalye ng lawak ng ipapataw na sanctions, o kung sino-sinong mga indibidwal at mga institusyon ang kanilang target nito.
Ang Estados Unidos man ay nag-anunsyo din ng pag-kontrol sa pag-export sa mga sensitive component, na ayon kay US President Joe Biden ay puputol sa higit kalahati ng high-tech imports ng Russia.
Ayon kay Biden, ang Japan ay isang pangunahing ka-alyado ng US at kasapi ng Group of Seven, na magdamag na nagsagawa ng virtual talks at nagkasundong isulong ang pagpapataw ng mga sanction at iba pang economic measures upang papanagutin ang Russia.
Nitong Miyerkoles ay inanunsiyo ng Japan ang pag-ban sa pag-iisyu at pagti-trade ng Russian government bonds sa Japan, matapos ipag-utos ng Moscow ang pagde-deploy ang tropa sa dalawang rehiyon sa Ukraine na kontrolado ng mga separatista.