Japan nag-donate ng 6M USD para sa mga proyekto sa mga magsasaka at mangingisda sa VisMin na naapektuhan ng ‘Odette’
Nagsanib-puwersa ang Japanese Government at ang World Food Programme (WFP) at Food and Agriculture Organization (FAO) para sa mga programa sa mangingisda at magsasaka sa Visayas at Mindanao na sinalanta ng Bagyong Odette
Sa headquarters ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Pasay City, lumagda sa kasunduan sina Japanese Ambassador to the Philippines Koshikawa Kazuhiko at mga kinatawan sa Pilipinas ng WFP at FAO para sa dalawang proyekto sa sektor ng pagsasaka at pangingisda.
Target ng mga inisyatiba ang 4,000 small-scale coconut farming at fishing households sa Regions VII, VIII at XIII, at 7,500 smallholder fisher at farmer families sa BARMM.
Ayon sa DFA, kabuuang US$ 6 million (Php 337.5 million) ang ibinigay ng gobyerno ng Japan para suportahan ang mga proyekto ng WFP at FAO.
Mula sa nasabing halaga, US$ 4 million (Php 225 million) ang mapupunta sa WFP para sa dalawang taong proyekto na layuning suportahan ang mga ikinabubuhay, food security at nutrisyon ng mga maliliit na magsasaka at mangingisda sa BARMM.
Partikular na rito ang paggamit ng Farm2Go na digital platform ng WFP para maikonekta digitally ang farmers sa merkado.
Mapupunta naman ang US$ 2 million (Php 112.5 million) ng kontribusyon ng Japan sa FAO para mapanumbalik ang kabuhayan ng small-scale coconut farmers at fishers sa Bohol, Southern Leyte at Surigao del Norte.
Moira Encina