Japan table tennis star Ito, target makakuha ng ginto sa Olympics
TOKYO, Japan (Agence France-Presse) – Handang maglaro sa Tokyo Olympics, ng Japanese table tennis star na si Mima Ito kahit walang fans na manonood, bastat matuloy lamang ito.
Una nang itinanggi ng organisers ng 2020 Tokyo Games na na-postpone dahil sa COVID-19, na kakanselahin na ito subalit nagpahiwatig na ang mga kompetisyon ay maaaring gawing “bihind closed doors.”
Sinabi ng world number three na si Ito, na nais niyang may manonood na fans pero ang pinakamahalaga aniya para sa isang manlalaro, ay ang matuloy ang Olympics.
Ayon sa 20-anyos na isa sa pinakapopular na Olympians ng Japan, kung kailangang maglaro behind close doors ay gagawin niya, makapaglaro lamang.
Nakatakdang magdesisyon ng Tokyo 2020 chiefs sa mga darating na buwan, kaugnay sa bilang ng mga maaaring manood, pero ang posibilidad ng isang kompetisyon na walang live audience ay walang problema kay Ito.
Si Ito ay naging popular mula nang maging pinakabatang Olympic table tennis medallist sa 2016 Rio Games, kung saan nanalo siya ng bronze sa edad na kinse anyos.
Nagpatuloy pa siya hanggang sa maging kauna-unahang Japanese player, na naging number two sa world rankings nitong nakalipas na taon.
Subalit magiging malaking hamon na sirain ang pagiging dominante ng China sa naturang event.
Ang mga babaeng manlalarong Chinese kasi ang laging nananalo ng medalyang ginto mula nang maging Olympic sport ang table tennis noong 1988. Ngunit naniniwala si Ito na kaya niyang bigyan ng sorpresa ang kaniyang mga kababayan, dahil tiwala siya sa kaniyang kakayahan.
Si Ito ay magko-compete sa Olympic singles, team at mixed doubles events.
Samantala, iginiit ng gobyerno ng Japan at ng Olympic officials, na ang Tokyo Games ay matutuloy sa itinakdang petsa nito sa July, sa kabila ng pagtaas ng bilang ng coronavirus infections at kawalan ng suporta ng mga mamamayan.
Liza Flores