Japan, umorder ng 150 milyong doses ng Novavax Covid vaccine
Sumang-ayon ang Japan na bumili ng 150 milyong doses ng Novavax coronavirus vaccine, kung saan inaasahan na makagagawa ang japanese firm na Takeda ng formula para sa distribusyon nito sa mga unang bahagi ng susunod na taon.
Ang halaga ng deal ay hindi inanunsiyo, at nakasasalay pa ito sa pag-apruba sa bakuna kung saan ang Takeda ang mangangasiwa sa pagsasagawa ng local clinical trials.
Sa ngayon ang mga bakunang inaprubahan na ng Japan ay ang Pfizer/BioNTech, Moderna at AstraZeneca, bagama’t ang huling nabanggit ay limitado lamang ang paggamit.
Hindi gaya ng mRNA products mula sa BioNTech, Moderna at Curevac, ang Novavax na may dalawang dose ay nakabase sa mas tradisyunal na technique, gamit ang mga protina na carrier ng pinawalang bisa nang coronavirus fragments para mag-produce ng immune reaction.
Ibig sabihin, hindi ito kailangang i-imbak sa napakalamig na temperatura kayat mas madali itong maibibiyahe.
Ayon sa US firm na Novavax, ang kanilang bakuna ay 90% mabisa laban sa Covid-19, base sa isang North American study bagama’t hindi pa nagbibigay ng kanilang ebalwasyon ang US at European Union (EU) regulators sa bisa nito.
Noong nakalipas na buwan ay inanusiyo ng European Commission, na lumagda ito sa isang preliminary deal para bumili ng hanggang 200 milyong doses ng bakuna, ngunit nakasalalay pa rin ito sa approval ng EU regulator.