JBC binalewala ang oposisyon sa aplikasyon ni Court Administrator Jose Midas Marquez sa pagka-SC Associate Justice
Binalewala ng Judicial and Bar Council ang inihaing oposisyon laban sa aplikasyon ni Court Administrator Jose Midas Marquez sa pagka- Associate Justice ng Korte Suprema.
Ito ay matapos mapasama si Marquez sa shortlist ng JBC na isinumite kay Pangulong Duterte para pagpilian ng ipapalit kay Justice Presbitero Velasco na magreretiro sa August 8.
Bago ang botohan ng JBC para sa shortlist noong June 25, nagsumite si Marquez ng tatlong pahinang sagot sa oposisyon laban sa kanya.
Pinasinungalingan ni Marquez ang paratang ng katiwalian laban sa kanya ng isang Rizza Joy Laurea.
Iginiit ni Marquez na walang siyang kinalaman sa kinukwestyong proyekto na pinondohan ng pautang ng World Bank.
Ang pangangasiwa anya ng naturang proyekto ay nasa ilalim ng Project Management Office na dating pinamunuan ng ngayo’y Sandiganbayan Justice Geraldine Faith-Econg.
Matagal na rin anyang itinigil ang naturang World Bank funded project na wala namang isyu.
Ayon pa kay Marquez, hindi rin siya kailanman naging sentro o laman ng alinmang imbestigasyon kaugnay sa World Bank loan.
Hindi rin anya siya kailanman inatasan ng alinmang tanggapan para magkomento sa Aide Memoir ng World Bank noong 2011 na pinagbatayan ng alegasyon sa kanya.
Nilinaw pa ni Marquez na wala ring iregularidad sa pag-atang sa kanya ng maraming responsibilidad noong panahon ni Dating Chief Justice Reynato Puno dahil patunay lamang ito ng pagkilala sa kanyang husay at kapasidad.
Ulat ni Moira Encina