JBC binuksan na ang aplikasyon para sa mga bakanteng puwesto sa Court of Appeals at Deputy Ombudsman for the Visayas
Maaari nang magsumite ng aplikasyon o rekomendasyon para sa mga bakanteng posisyon sa Court of Appeals at Deputy Ombudsman for the Visayas.
Ito ay matapos ianunsiyo ng Judicial and Bar Council (JBC) ang pagbubukas ng aplikasyon o nominasyon para sa limang associate justice post sa Court of Appeals at sa posisyon ng Deputy Ombudsman sa Visayas.
Sa abiso ng JBC, sinabi na may hanggang September 14 ang mga aplikante para bisitahin ang website nito na jbc.judiciary.gov.ph at i-access ang Online Application Scheduler.
Matapos masagot ang mga hinihinging impormasyon sa application scheduler ay makatatanggap ang aplikante sa kanilang email address ng letter of intent.
Kailangan naman na isumite ng aplikante ang kumpletong letter of intent at documentary requirements sa pinili nilang oras at petsa ng appointment.
Isa sa kailangang isumite ng mga aspirante ay ang kopya ng kanilang SALN.
Para sa mga kasalukuyang nasa gobyerno, ang SALN nila sa nakalipas na 10 taon ang dapat isumite.
Mahigpit na ipinaalala ng JBC na ang kabiguang magsumite ng SALN ay batayan para sa diskwalipikasyon ng aplikante.
Moira Encina