Job fairs ng DOLE, dinumog
Libu-libong naghahanap ng trabaho ang nagtungo sa mga job fair na imilunsad ng gobyerno sa 26 na sites sa buong bansa, kaugnay ng paggunita sa Labor Day o Araw ng Paggawa kahapon, Mayo 1.
Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), kabuuang 19,730 mga aplikante ang nagparehistro para sa job vacancies.
Sa nabanggit na bilang ng job applicants, 2,262 ang agad na na-hire on the spot habang 12,491 naman ang nag-qualify para sa inaplayang job vacancies. Mayroon namang 7,907 na “near hires.”
Sinabi ng DOLE, na 16,581 jobseekers ang nag-aplay para sa local employment at 3,149 naman ang para sa trabaho abroad, habang halos 100 participants ang ini-refer sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sa training.
Ayon sa DOLE, lampas 150,000 local at overseas jobs ang inialok sa “Trabaho, Negosyo, Kabuhayan Job and Business Fairs.”
Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III, na ang partisipasyon ng mga employer sa mga job fair ay isang patunay ng employment recovery ng gobyerno sa panahon ng pandemya.