Joemel Advincula alyas Bikoy, muling inisnab ang pagdinig ng DOJ sa reklamong estafa laban sa kaniya
Idineklara na ng DOJ na submitted for resolution ang reklamong estafa na inihain ng isang negosyante laban kay Peter Joemel Advincula alyas Bikoy.
Ito ay matapos muling isnabin ni Advincula sa ikalawang pagkakataon ang pagdinig ng DOJ at wala rin itong ipinadalang abogado para kumatawan sa kanya.
Ang kaso laban kay Advincula ay inihain ni Arven Valmores ng Ardeur World Marketing Corporation.
Ayon sa complainant, ginamit ang logo at pangalan ng kanyang kumpanya sa promosyon ng beauty pageant na inorganisa ni Advincula sa Polangui, Albay noong Agosto 2018 kahit walang otorisasyon mula sa kanya.
Napilitan din ito na bayaran ang pagkakautang ni Advincula sa mga pageant winners at staff matapos itong magtago.
Sa pagdinig ng DOJ, nagsumite ng karagdagang affidavit laban kay advincula ang production director ng beauty contest na si Danrick Capuz para patunayan ang reklamo laban dito.
Iginiit ni Capuz na tinakbuhan sila ni Advincula sa mismong araw ng pageant kaya hindi nabayaran ang mga staff at maging ang mga nanalong contestants.
Ulat ni Moira Encina