Johnson & Johnson, humingi ng emergency authorization para sa kanilang COVID vaccine
WASHINGTON, United States (AFP) — Nagsumite na ng aplikasyon sa US health authorities, ang pharmaceuticals giant na Johnson & Johnson para sa emergency authorization ng kanilang COVID-19 vaccine.
Ang proseso ay maaaring tumagal ng ilang linggo, ngunit sa huli ang kanilang bakuna ang magiging ikatlo sa binigyan ng awtorisasyon ng Estados Unidos, kasunod ng bakuna ng Pfizer-BioNTech at Moderna.
Ayon sa pahayag ng kompanya, ang J&J subsidiary na Janssen Biotech ay nagsumite na ng application sa US Food and Drug Administration (FDA) na humihiling ng Emergency Use Authorization (EUA), para sa kanilang investigational single-dose Janssen COVID-19 vaccine candidate.
Ang bagong bakuna ay lubhang inaasahan dahil mayroon itong dalawang malaking logistical advantages: maaari itong i-imbak sa refrigerator temperatures sa halip na sa special freezers, na magpapadali sa distribusyon nito, at isang beses lamang ito kailangang iturok.
Kasunod ng kahilingan ng J&J, inaasahang magpupulong ang advisory committee on vaccines ng FDA, na magbibigay ng kanilang opinyon matapos pag-aralan ang data mula sa clinical trials.
Ito ang magiging responsable sa pagdetermina kung mas lamang ang benepisyo kaysa panganib ng nabanggit na bakuna.
Ang naturang mga hakbang ay tumagal ng mga tatlong linggo para sa Pfizer-BioNTech at Moderna vaccines, pero maaaring maging mas mabilis na ngayon. Ang final go signal ay maaaring maibigay na rin kinabukasan.
Inanunsyo ng J&J sa pagtatapos ng nakalipas na linggo ang unang resulta ng kanilang clinical trials, na kinapalooban ng halos 44,000 katao mula sa walong mga bansa.
Sa pangkalahatan, ang bakuna ay 66 percent effective, ayon sa kompanya. At 85 percent itong mabisa sa pagpigil sa severe forms ng sakit.
Ngunit ang mga resultang ito ay nagdudulot ngayon ng mga pangamba: ang bakuna ay mas epektibo sa Estados Unidos (72 percent), kaysa South Africa (57 percent), kung saan ang isang variant na lumitaw ay mas naging dominant.
Liza Flores