Joint Civic action activity sa evacuation area ng Patikul, tagumpay na naisagawa kahit binulabog ng mortar ng Abu Sayyaf
Bagaman binulabog ng tatlong pagsabog ng mortar ng grupong Abu Sayyaf ang Joint civic activity ng sundalo, pulis, lokal na pamahalaan, at pribadong sector sa bayan ng patikul sa probinsiya ng Sulu, tagumpay pa rin itong natapos.
Ayon kay Senior Supt. Pablo Labra, Provincial director ng PNP sa Sulu, sinikap nilang matapos ang community service sa mga residente sa apat na Barangay ng Patikul kung saan karamihan sa mga beneficiary ay mga pamilya nagsilikas dahil sa mga labanan ng sundalo at Abu Sayyaf.
Bantay-sarado naman aniya ang mga tauhan ng 6th special forces battalion ng Philippine Army na nakapalibot sa apat na barangay kung kaya hindi nakaabot sa civic community area ang tatlong mortar na pinakawalan ng mga Abu Sayyaf noong Sabado.
Nagkaloob ng libreng medical check-up, namigay ng mga gamot laban sa tigdas, bitamina sa mga bata, nagpakain, namigay ng mga tsinelas, libreng police clearance lalo na sa mga kabataang gustong magtrabaho sa labas ng sulu, at tinuruan na magtanim ng mga puno, prutas man o hindi para mapanatili ang malinis na hangin sa kapaligiran at maging sa buong lupain ng Sulu.
Mahalaga aniya ang ganitong serbisyo publiko ng mga men in uniform sa Sulu, para ipakita ang pakikipag-kapwa tao at ihatid sa mismong pintuan ng mga mga residente ang mabuting hangarin ng gobyerno na maingatan hindi lang ang kaligtasan ng mga nakatira dito, kundi maingatan na rin ang kalusugan nila lalo na ngayon nagbabadya ang panganib sa sakit na tigdas.
Ulat ni Ely Dumaboc