Joint Operation Center for Action and Surviellance on Covid-19 o JOCAS, pinasinayaan ng LGU Mariveles
Pormal nang pinasinayaan ng lokal na pamahalaang bayan ng Mariveles, Bataan ang Joint Operations Center for Action and Surveillance on Covid-19 o JOCAS, para sa mas mabilis na pagsasagawa ng contact tracing.
Sinabi ni Mariveles Mayor Atty. Jocelyn Castañeda, na nabuo ang JOCAS matapos ang kanilang pakikipag-ugnayan kay Baguio City Mayor at Contact Tracing Czar Benjamin Magalong, noong kasalukuyang dumarami ang kaso ng Covid-19 sa Mariveles o umabot sa mahigit isang libo ang nagpositibo, at kalahati ng positive cases ng buong Bataan ay nagmula sa Mariveles.
Dagdag pa ni Castañeda, ang JOCAS ay magsisilbing main contact center na naglalayong baguhin ang istruktura ng contact tracing system.
Sinabi pa nito na ang JOCAS ay isang e-system para sa pagkolekta ng mga data, isang platform para sa quantum geographical information system at analytical tool upang maging epektibo at tuluyang makontrol ang pagkalat ng virus.
Ayon naman kay Dr.Gerald Sebastian, head ng Municipal Health Office (MHO), nasa 100 contact tracers ang ipinagkaloob ng DILG sa Mariveles LGU, at sa kasalukuyan ay nasa 61 contact tracers na ang katuwang ng JOCAS at MHO.
Layon nito na gawing mas mabilis at ligtas ang paghahanap sa mga posibleng nakasalamuha ng mga magpopositibo sa virus.
Dagdag pa ni Dr.Sebastian, ang nasabing contact tracers ay bahagi ng programa ng National Task Force Coordinated Operation to Defeat Epidemic o Code team, para paigtingin ang pagsasagawa ng contact tracing.
Ang pagpapasinaya ay dinaluhan ni MIS Head Jonathan dela Cruz, Municipal Chair Committee on health Councilor Jaja Castañeda, Vice Mayor Angelito Rubia, Sangguniang Bayan Members, department heads, MHO staff at contact tracers.
Ulat ni Larry Biscocho