Joint presscon ng ilang presidentiable, pagpaparamdam lang kay BBM – blogger, columnist Nieto
Pagpaparamdam lang umano kay Presidential candidate Bongbong Marcos ang ginawang Joint presscon ng ilang kandidato sa pagkaPresidente nitong linggo para makakuha ng pwesto sa susunod na administrasyon.
Pinangunahan ito nina Manila Mayor Isko Moreno, Senador Ping Lacson at dating National Security Adviser Norberto Gonzales.
Iyan ang pananaw ng kilalang blogger na si RJ Nieto, na nasa likod ng thinking pinoy blog na ang karaniwang content ay himayin ang mga pangyayari sa lipunan at politika kaya naman umabot sa mahigit 2 million ang followers na naniniwala sa kanyang mga komentaryo.
Naniniwala si Nieto na makakatulong naman daw sa ratings ng mga nasabing kandidato pero hindi ito sapat para manalo sila sa halalan ang ginawa nilang paglalantad sa umano’y pagpapaatras sa kanila ng kampo ni Vice president Leni Robredo.
Sa nasabing presscon, mistulang nagkaisa ang presidentiables sa pagbatikos sa kapwa kandidato na si Vice President Leni Robredo dahil sa ilang beses daw na pagtatangka nitong mapaatras sila.
Ayon kay Nieto, pinapakita lang nito na kahit nasa number 2 spot sa mga survey, hindi parin confident ang kampo ni VP Leni na kaya nitong manalo sa Presidential elections.
Samantala ilang oras matapos ang nasabing joint presscon,may mga kumalat na larawan naman sa social media kung saan makikita na magkasama sa isang lamesa sina Marcos at Moreno.
Pero ang nasabing pagkikita ng dalawa, nangyari daw noon pang Pebrero ng nakaraang taon na mga panahong hindi pa sila kapwa kumakandidato sa pagka-Pangulo.
Madelyn Villar Moratillo