Joma Sison, muling kinasuhan sa DOJ ng human trafficking at child abuse ng mga rebel returnee at dating cadre ng CPP-NPA
Dalawa pang nagpakilalang dating cadre ng CPP-NPA ang naghain ng mga reklamo laban kay Jose Maria Sison sa DOJ.
Ang isa sa mga complainant ay si Kurt Russel Olaes Sosa alyas “Ka Ugnay,” “Ka Intoy,” “Ka Dima,” “Intoy Karagatan,” at “Job Paolo Valencia.”
Si Sosa ay sinasabing rebel returnee at dating cadre ng CPP-NPA.
Kasama ni Sosa na nagsampa ng reklamo laban kay Sison ang PNP-CIDG.
Mga reklamong human trafficking at child abuse ang inihain nila laban kay Sison at sa isang Vince Hugo Villena.
Ayon sa complainant, 17 taong gulang siya noon na journalism student ng PUP Sta. Mesa nang i-recruit sa CPP-NPA-NDF noong Mayo 2015.
Samantala, ipinagharap din ng mga parehong reklamo si Sison ng isa pang complainant na si Joy James Alcoser Saguino.
Si Saguino ay sinasabing isa ring dating cadre ng CPP-NPA na may mga alyas na “Ka Amihan,” “Ka Che,” at “Commander Che.”
Bukod kay Sison, inireklamo rin ni Saguino ng human trafficking si Lean Porquia at Karen Edaniel.
Ang complainant ay sinamahan din ng PNP-CIDG sa pagsasampa ng reklamo.
Sa kanyang reklamo, inihayag ni Saguino na siya ni-recruit sa CPP-NPA noong Hunyo 2007 sa UP Visayas, Iloilo Campus nang siya ay 16 na taong gulang na estudyante.
Noong Agosto, kinasuhan na rin si Sison sa DOJ ng isa pang rebel returnee na si Lady Desiree Collado Miranda alyas Lady Miranda dahil sa pag-recruit sa kabataan sa komunistang grupo.
Moira Encina