Jose Adrian Dera at 6 na NBI security officer pinakakasuhan na ng DOJ
Pinakakasuhan na ng Department of Justice sa Manila Regional Trial Court si Jose Adrian Dera at 6 na security officer ng National Bureau of Investigation.
Sa isang pahayag, sinabi ng DOJ na bukod kay Dera kabilang sa mga pinakakasuhan ay sina
NBI Security Officer II Randy Godoy, at sina Arnel Ganzon, Diana Rose Novelozo, Lee Eric Loreto, King Jeroh Martin, at Pepe Piedad Jr. pawang job order personnels ng NBI.
Si Godoy ay kakasuhan dahil sa paglabag sa Article 223 ng Revised Penal Code habang paglabag naman sa Article 156 laban kina Dera at iba pa.
May kaugnayan ang kaso sa nabuking na pag-escort ng mga nasabing security officer kay Dera sa labas ng piitan gamit pa ang sasakyan ng NBI kahit walang utos o awtorisasyon mula sa korte.
Ilan sa mga natukoy na insidente ay maging ang pakikipagkita pa ni Dera sa isang babaeng kaibigan at kumain pa sa isang restaurant sa Makati City.
Ayon sa DOJ, matapos maaresto ang mga ito, nakuha ang 101 libong piso mula kay Dera, 10 libong piso kay Godoy at 11 libong piso kay Veloso na tila bayad umano sa pag-escort kay Dera mula sa detention facility.
Ayon sa DOJ, may sapat na ebidensya para iakyat sa korte ang reklamo.
“After evaluation of the evidence, the assigned prosecutor found sufficient evidence to hold the respondents for trial. There is probable cause in finding that Dera induced Godoy, Ganzon, Novelozo, Loreto, Martin, and Piedad to assist him escape from prison.” – Department of Justice in a statement
Sa pagdinig sa Senado, una ng inamin ni Dera na ilang beses siyang nakalabas ng NBI facility at 1 lang doon ang may court order.
Madelyn Moratillo