Julian Ongpin humarap sa pagdinig ng DOJ
Kinumpirma ni Prosecutor General Benedicto Malcontento na dumalo sa preliminary investigation ng DOJ si Julian Ongpin.
Si Ongpin ay nahaharap sa reklamong possession of illegal drugs at iniimbestigahan sa pagkamatay ng artist na si Bree Jonson.
Siya ang huling nakitang kasama ni Jonson nang matagpuan itong walang malay sa kuwarto sa isang resort sa La Union.
Ayon kay Malcontento, kasama ni Ongpin na humarap sa DOJ ang kanyang mga abogado.
Aniya isinumite ni Ongpin ang kontra-salaysay nito para sa reklamong possession of cocaine.
Humarap din sa pagdinig ang mga umaresto kay Ongpin at ang SOCO team.
Naghain naman ng supplemental affidavit ang mga pulis laban kay Ongpin.
Humingi ng panahon ang kampo ni Ongpin para pag-aralan at basahin ang karagdagang reklamo.
Itinakda ng DOJ ang susunod na pagdinig sa Oktubre 8 para sa pagsusumite ng dagdag na kontra-salaysay at clarificatory hearing.
Sinabi ni Malcontento na kung walang bagong isyu na mababanggit sa susunod na hearing ay idideklarang submitted for resolution na ang kaso.
Nakumpiska sa kuwarto nina Ongpin ang 12.6 grams ng cocaine at nagpositibo rin ito sa paggamit ng droga kaya sinampahan ito ng reklamo sa piskalya sa La Union.
Inilipat naman sa DOJ ang paghawak ng kaso matapos na ipagutos ni Justice Sec. Menardo Guevarra.
Moira Encina