Justice Marvic Leonen tinawag na ‘False issues’ ang mga paratang sa Impeachment complaint laban sa kanya
Umaasa si Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen na mas pagtutuunan ng pansin ng Kamara ang mga pangangailangan ng tao ngayong may krisis kaysa ang mga walang katotohanang isyu.
Ito ang tugon ni Leonen sa inihaing Impeachment complaint laban sa kanya sa Kamara dahil sa sinasabing kabiguan na resolbahin sa oras ang mga kaso na hawak niya at hindi paghahain ng SALN nang professor pa ito sa UP.
Ayon kay Leonen, wala pang natatanggap ang kanyang opisina na kopya ng reklamo laban sa kanya.
Pero, sinabi ni Leonen na hindi ito ang tamang panahon para pagkaabalahan ng mga kongresista ang mga ‘false issues.’
Anya malinaw na pinalulutang lamang ang mga isyu laban sa kanya para mamersonal at maghiganti.
Kampante naman si Leonen na gagawin ng liderato ng Kamara ang tama.
Batay sa reklamo laban kay Leonen, betrayal of public trust at paglabag sa Saligang Batas ang pag-delay nito sa pagresolba sa mga election protest na nakabinbin sa House of Representatives Electoral Tribunal bilang chairperson at pag-upo nang matagal sa mga kasong hawak nito sa Supreme Court.
Moira Encina