Justice Samuel Martires inirekomenda unanimously ng Korte Suprema para sa posisyon ng Ombudsman
Inendorso unanimously ng Korte Suprema si Associate Justice Samuel Martires para maging susunod na Ombudsman.
Ito ay batay sa botohan ng mga mahistrado ng Supreme Court para sa shortlist nito sa posisyong babakantehin ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales sa July 26.
Labing-isang boto ang nakuha ni Martires mula sa mga kapwa niya mahistrado.
Bukod kay Martires, napasama rin sa shortlist ng SC justices ang ilan sa mga nominado sa pwesto na sina retired Sandiganbayan Presiding Justice Edilberto Sandoval na may apat na boto at Labor Secretary Silvestre Bello III na nakakuha ng tatlong boto.
Labing-dalawang mahistrado ang present sa botohan kabilang si Martires na hindi lumahok habang wala naman sina Justices Perlas Bernabe at Benjamin Caguioa.
Ito ang unang pagkakataon na bumoto ang SC en banc para sa posisyon ng Ombudsman na
ieendorso ng Judicial and Bar Council.
Nakatakda namang magbotohan ng JBC ng shortlist nito para sa Ombudsman post sa July 20.
Kung ma-appoint si Martires bilang Ombudsman ay kailangan niyang mag-optional retirement sa Kataas-taasang Hukuman.
Si Martires ang kauna-unahang appointee ni Pangulong Duterte sa Korte Suprema.
Ulat ni Moira Encina