Justice Sec. Aguirre binago ang legal opinion noon ni de Lima ukol sa implementasyon ng Fire Code of the Philippines
Nirebisa ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang naunang legal opinion ni Senadora Leila de Lima noong ito pa ang kalihim ng DOJ kaugnay sa kapangyarihan ng Philippine Economic Zone Authority na ipatupad ang Fire Code of the Philippines sa mga economic zone.
Ito ay sa harap ng insidente sa Resorts World Manila sa loob ng Newport City na isang tourism economic zone.
Sa legal opinion ni Aguirre noong June 6 na nakapangalan kay Brigadier General Charito Plaza, Director General ng PEZA, sinabi na ang Bureau of Fire Protection ang may kapangyarihan na magpatupad ng Ra 9514 o Revised Fire Code of the Philippines of 2008 sa mga economic zone na pinangangasiwaan ng PEZA.
Alinsunod aniya ito sa Section 5 ng RA 9514 at sa legal na mandato sa BFP sa ilalim ng DILG Act of 1990 o RA 6975.
Ang Section 9 ng RA 7916 o PEZA Law na pinagbatayan anya ni de Lima sa kanyang legal opinion ay nagsasabi lang ukol sa pagbuo ng PEZA ng internal security at pwersa ng mga pamatay-sunog, pero hindi naman iginagawad ng probisyon sa PEZA ang kapangyarihan na magpatupad ng Fire Code of the Philippines sa mga ecozone.
Dahil dito, wala aniyang kapangyarihan ang PEZA na magsagawa ng fire safety inspection sa mga ecozone at mag-isyu ng Fire Safety Inspection Certificates.
Ulat ni: Moira Encina