Justice Sec. Aguirre hindi pa lusot sa kaso ng pagdowngrade sa kaso ni Supt. Marvin Marcos
Hindi pa rin off the hook si Justice Secretary Vitaliano Aguirre sa isyu ng downgrading ng kaso ng mga pulis na sangkot sa pagpatay kay Albuerra Leyte Mayor Rolando Espinosa.
Sa gitna ito ng paninindigan ni Aguirre na hindi siya ang pumonente at hindi sya ang nag apruba sa pagpababa sa kasong homicide ng murder charges laban sa mga pulis na pinangunahan ni Supt. Marvin Marcos.
Ayon kay Senador Chiz Escudero, lahat ng resolusyon ng mga prosecutor ng DOJ ay daraan sa kalihim at maaari nyang baligtarin ang resolusyon sa tingin nya ay hindi makatarungan.
Sinabi ni Escudero na maraming dapat ipaliwanag si Aguirre partikular na ang taliwas na kilos ng ahensya sa naunang pahayag nito sa Senado na malinaw na planado ang naging pagpatay.
Binigyang diin ni Escudero na ang kaso ni Espinosa sana ang matibay na patunay na hindi kinukunsinte ng administrasyon ang extra judicial killings.
Hindi na rin naman aniya nakapagtataka ang biglaang pagbabago ng isip ni Aguirre dahil ilang beses na itong nangyari sa maraming pagkakataon.
Ulat ni: Mean Corvera