Justice Sec. Aguirre kampante na hindi babawiin ang arrest order laban kay Sen. Leila de Lima
Kumpiyansa si Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na hindi ipapawalang-bisa ng Korte Suprema ang arrest warrant na inisyu ng Muntinlupa RTC laban kay Senadora Leila de Lima.
Ayon kay Aguirre, walang tyansa na baligtarin ng Supreme Court ang kautusan ni Executive Judge at branch 204 Judge Juanita Guerrero na arestuhin si de Lima.
Iginiit ng kalihim na legal ang pag-aresto sa Senadora kaugnay sa kaso nitong drug trading sa Bilibid.
Matagal na rin anyang nadesisyunan ng Korte Suprema ang isyu ng hurisdiksyon na pangunahing argumento ni de Lima sa ilang kaso.
Hindi maintindihan ni Aguirre kung bakit pinipilit ng kampo ng Senadora na walang hurisdiksyon ang Regional Trial Court sa kaso ni de Lima.
Mismong ang Senadora anya noong ito pa ang Justice Secretary ay sa RTC din isinampa ang kasong electoral sabotage laban kina dating Pangulong Gloria Arroyo at dating COMELEC Chairman Benjamin Abalos.
Ulat ni: Moira Encina