Justice Sec. at incoming SolGen Guevarra, nakipagpulong na sa transition team ng OSG
Sinimulan na rin ni outgoing Justice Secretary Menardo Guevarra ang paghahanda sa kanyang pag-upo bilang Solicitor General ng incoming Marcos Government.
Si Guevarra ang pinili ni President-elect Bongbong Marcos Jr. na magsilbing SolGen sa ilalim ng kaniyang administrasyon.
Ang SolGen ang pangunahing abogado ng pamahalaan o kumakatawan dito sa mga kaso gaya sa Korte Suprema.
Papalitan ni Guevarra sa puwesto si Solicitor General Jose Calida.
Sinabi ni Guevarra na noong Miyerkules ay humarap na siya sa transition team ng Office of the Solicitor General (OSG).
Tinalakay aniya sa briefing ang overview sa organisasyon at operasyon sa OSG at ukol sa paghawak ng mga malalaki at mahahalagang kaso.
Ang OSG ay independent at autonomous na tanggapan bagamat ito ay naka-attach sa DOJ.
Binubuo ito ng 30 legal divisions na may nakatalagang Assistant Solicitors General.
Ayon kay Guevarra, napagusapan din ang ilang problema na kailangan na matugunan agad sa OSG tulad ng structural building ng tanggapan nito.
Gayundin, ang pagdaragdag ng mga legal divisions at ang pag-amyenda sa OSG Law para magkaroon ng retirement at survivorship benefits ang state solicitors.
Moira Encina