Justice Sec. Crispin Remulla bumisita sa Timor-Leste
Nagtungo sa Timor-Leste para sa isang state visit si Justice Secretary Crispin Remulla.
Ayon kay Department of Justice (DOJ) Spokesperson Mico Clavano, ipinabatid ni Remulla kay Timor-Leste President José Ramos-Horta ang opisyal na mensahe mula kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Courtesy: DOJ
Isa sa mga ipinaalam ni Remulla at ng delegasyon ng Pilipinas, ay ang utos ni Pangulong Marcos na tuluyang ipagbawal ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa Pilipinas.
Ipinabatid ng kalihim ang mga ulat na ang Timor-Leste ang isa sa mga posibleng destinasyon na paglilipatan ng POGOs, at ang mga problema na idinulot ng POGO operations sa bansa.
Sinabi pa ni Clavano na pangalawa sa agenda na tinalakay ni Remulla kay President Horta ay ang ukol sa kaso ni dating Congressman Arnulfo Teves, Jr., na nahaharap sa mga kasong murder sa Pilipinas.
Umaasa si Remulla na patuloy na makikipagtulungan ang Timor-Leste para matiyak na mapabalik sa Pilipinas si Teves upang harapin ang hustisya.
Ayon sa kalihim, iginagalang ng Pilipinas ang soberenya at legal na proseso sa Timor-Leste, pero matibay ang resolba nito na ipursige ang hustisya para sa mga biktima.
Una nang kinatigan ng korte sa Timor-Leste ang extradition request ng Pilipinas, pero ito ay muling isinalang sa legal proceedings matapos na kuwestiyunin ng kampo ni Teves.
Moira Encina-Cruz