Justice Sec. Crispin Remulla nilinaw na hindi sumusunod ang Pilipinas sa gusto ng ICC
Kinontra ni Justice Secretary Crispin Remulla ang pahayag ni Vice -President Sara Duterte na sinusunod ng Pilipinas ang nais ng mga dayuhan tulad ng International Criminal Court (ICC) ukol sa isyu ng giyera kontra droga.
Sinabi ni Remulla na hindi isinusuko ng pamahalaan ng Pilipinas ang kalayaan o anumang bagay sa sinuman na banyaga.
Nilinaw ni Remulla na hindi nagbabago ang polisiya ng gobyerno na hindi na miyembro ang Pilipinas ng ICC kaya wala nang obligasyon ang bansa dito.
Gayunman, muling inihayag ni Remulla na bagamat walang hurisdiksyon ang ICC sa bansa ay committed naman ang Pilipinas sa International Police (Interpol) na maaaring magsilbi nang arrest warrant mula sa ICC sa mga suspek sa war on drugs.
Dagdag pa ng kalihim, kasapi at may treaty obligations ang Pilipinas sa Interpol.
“Wala naman tayong sinusunod na ibang bansa o ibang body. Sabi ko nga wala tayong relasyon sa ICC. Ang tanong dito ano ang mangyayari kapag andyan na ‘yan ang problema sa harap natin. Kaya ibinibigay natin ang mga bagay bagay na dapat nating tingnan para maunawaan ang problemang ito. Isa na rito ang papel ng interpol sa buhay natin,” ani Remulla.
Moira Encina- Cruz